Galing Sa Kawalan
Sunday, March 30, 2008Sa wakas, bakasyon ko na. Hindi ko masasabing tapos na ang aking buhay kolehiyala dahil wala pa ang aking mga klaskards at wala pang diploma na nakasabit sa pader ng aming sala. Ang aking napakalaking grad piksyur ay nakahandusay lamang sa may lamesa at wala pang pakong mapagsasabitan. Sa mga segundong ito, hindi ko lubos maisip na sa loob ng ilang buwan, hindi na ako ung bata na umaasa sa baon na bigay ng nanay ko at hindi na ako ung bata na humihingi ng dagdag na baon tuwing may magandang sapatos sa mol. Marahil, makalipas lamang ang ilang taong pagkasubsob sa trabaho ay darating ang araw na ako naman ang aabot ng pera na pambili ng aking ina sa maraming bag na ipandagdag sa kanyang koleksyon ng de-taktak na bag. Naku. Parang nakikita ko na na kailangan namin ng bagong "bag rack". Haha. Ayoko pang bigyang buod ang aking buhay estudyante. Malamang, kailangan pa ng ilang linggo bago pumasok at sumiksik sa utak ko na hindi na ako estudyante at kailangan ko ng mamaalam sa pagiging estudyante. Pero, kung tatanungin ako ngayon kung kumusta ang naging buhay estudyante ko, partikular na ang naging buhay ko sa kolehiyo, isa lang masasabi ko… "Shet." Sabay tawa ng may halong pagtutuya at pagmamalaki.




